Panibagong dagdag-sahod kailangan na - Jinggoy
MANILA, Philippines – Hinimok ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ngayong Martes ang regional wage boards na pag-aralan at pagbigyan ang mga petisyon ng mga manggagawa na itaas ang kanilang sahod.
Para kay Estrada, kailangan nang magkaroon ng panibagong pagtaas sa sahod para sa mga manggagawa partikular sa Metro Manila dahil sa tumataas na halaga ng mga pangunahing pangangailangan at serbisyo.
Bagaman mayroong regulasyon na kailangang palipasin ang isang taon bago magpatupad ng panibagong dagdag-sahod, iginiit ni Estrada na maaari namang magsagawa ng review ang mga wage boards ng mga petisyon.
Ang pinakahuling dagdag-sahod na ipinatupad ng wage board para sa Metro Manila ay noong Hunyo 3, 2012.
Iginiit ni Estrada, tagapangulo ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resource Development, hindi na kasya ang P456 daily minimum wage para sa isang mangagawa sa Metro Manila upang tustusan ang tumataas na mga halaga ng kuryente, tubig, transportasyon, edukasyon at kalusugan.
Aniya, ang pagtaas ng sahod ay magandang mensahe sa mundo na gumaganda ang ekonomiya ng bansa.
"This would be one of the brightest spots in our economy—that our daily wage earners can keep pace with the rising cost of living,†pahayag ni Estrada.
Nauna nang isinulong ng senador ang P125 across-the-board daily wage increase para sa lahat ng mangagagawa.
Iminungkahi pa ni Estrada sa Department of Labor and Employment (DOLE) na silipin ang payroll at financial records ng mga kompanya upang malamang kung nakakatanggap nga ba ng tamang sahod at mga benepisyo ang mga mangagawa.
- Latest
- Trending