P1.3-B na ang nalulustay ng mga politiko sa campaign ads
MANILA, Philippines - Sa loob lamang ng dalawang buwan ay gumastos na ng mahigit P1.3 bilyon ang mga kandidato sa pagka-senador at sa party-list elections para sa kanilang mga patalastas sa radyo, telebisyon at pahayagan, ayon sa ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ).
Ayon sa PCIG, hanggang nitong Abril 10 ay may P1,320,116,506.81 na ang nagagastos ng mga politiko para sa kanilang mga patalastas.
Nakuha ang datos mula sa 287 advertising contracts at telecast orders para sa 41 kandidato at political parties na isinumite ng mga print at broadcast media agencies sa Commission on Elections (Comelec).
Sa dalawang koalisyon na naglalaban para sa Senado, mas malaki ang nagastos ng Team PNoy para sa 12 kandidato nito.
Gumastos na ang United Nationalist Alliance (UNA) ng P587,593,483.02 para anim sa siyam nitong kandidato, mas mababa ng P100 milyon sa P682,898,916.87 ng Team Pnoy para sa 12 nitong mga manok.
Ang mga kandidatong nabibilang sa mga may naglalakihang pangalan sa politika naman na sina Juan ‘Jack’ C. Ponce Enrile Jr., Joseph Victor ‘JV’ G. Ejercito, at Maria Lourdes Nancy Binay ay kabilang sa may pinakamalalalaking nagagastos para sa political advertisements.
Pasok din sa listahan sina Edgardo ‘Sonny’ Angara Jr., Alan Peter S. Cayetano, Ma. Ana Consuelo ‘Jamby’ A. Madrigal, at Paolo Benigno ‘Bam’ Aquino IV.
Nangunguna naman sa 41 pulitikong (candidates, party-list groups, political parties) gumastos para sa kanilang mga patalastas ay si Cagayan Representative Jack Ponce Enrile, anak ni Senate President Juan Ponce Enrile, na umabot sa P151.2 milyon.
Pangalawa si JV Ejercito na gumastos na ng P137.1 milyon at pangatlo ang UNA na gumastos na ng P120.3 milyon sa political ads. Nasa panlima si Binay, anak ng bise-presidente na si Jejomar Binay (P82.8 milyon).
Samantala, hindi tulad ng mga kasamahan nila sa koalisyon, walang patalastas sina Margarita ‘Tingting’ Coajuangco, Zambales Rep. Milagros ‘Mitos’ Magsaysay, at re-electionist senator Gregorio ‘Gringo’ Honasan.
Si Aurora Rep. Sonny Angara na ang pinakamagastos mula sa Team PNoy (P85.52 milyon), habang si re-electionist senator Antonio ‘Sonny’ Trillanes IV ang may pinakamababang inilbas na pera para sa patalastas (P12.41 milyon).
- Latest
- Trending