Pulis, kasamang babae huli sa drug bust

MANILA, Philippines - Nasakote ang isang pulis matapos maaktuhang nagbebenta ng droga kasama ang isang babae sa Pasay City nitong Lunes, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ngayong Miyerkules.

Kinilala ng PDEA ang mga suspek na sina Police Officer 1 Edmund Gonzales, 32, ng No. 1485 A. Rivera Street, Tondo, Manila at Cecille Magbutay, 25, ng Shiling Street, Phase 8, North Fairview, Quezon City.

Iniaabot na ni Gonzales ang may 100 gramo ng shabu sa isang PDEA undercover agent sa gilid ng isang kilalang fast-food restaurant sa Arnaiz Avenue, Barangay 76, Zone 10 nang arestuhin ng iba pang nakatagong tauhanng ahensya bandang 4:30 ng hapon noong Abril 15.

Nasabat din mula sa mga suspek ang isang itim na motorsiklo, dalawang cellphone at dalawang P500 na ginamit bilang marked money ng PDEA sa buy-bust operation.

Si Gonzales na ang ikatlong pulis na naaresto ng PDEA sa huling dalawang linggo.

Unang nadakip ang dalawang dating pulis na nag-absent without official leave (AWOL) sa magkahiwalay na operasyon sa lungsod ng Taguig at Maguindanao.

Nakakulong na sina Gonzales at Magbutay sa tanggapan ng PDEA sa Quezon City.

Show comments