MANILA, Philippines - Naglabas ng status quo ante order ang Korte Suprema upang ipahinto ang patakaran ng Commission on Elections (Comelec) na naglilimita sa airtime ng mga political ad ng mga politiko sa radyo at telebisyon.
Sa botong 9-6 pinaboran ng mataas na hukuman ang petisyon ni Sen. Alan Peter Cayetano na inaakusahan ang Comelec ng pag-abuso sa kapangyarihan at paglabag sa karapatan ng mga tao para sa sapat na impormasyon sa impormasyon sangayon na rin sa saligang batas.
Sa ilalim ng Comelec Resolution No. 9615 mayroon lamang 120 minuto ang bawat kandidato upang magpatalastas sa telebisyon habang 180 minuto sa radyo.
Samantala, ibinalik ng korte ang dating patakaran na 120 minuto sa bawat istasyon ng telebisyon at 180 sa bawat istasyon ng radyo.
Sina justices Martin Villarama, Antonio Carpio, Jose Perez, Diosdado Peralta, Teresita de Castro, Lucas Bersamin. Jose Mendoza, Presbitero Velasco at Marvic Leonon ang pumabor sa petisyon.
Habang sina Chief Justice Maria Lourdes Sereno and Justices Estela Perlas-Bernabe, Roberto Abad, Arturo Brion, Mariano del Castillo at Bienvenido Reyes ang kumontra.
Kasama ni Cayetano ang broadcasting networks na GMA Network at TV 5 na humiling sa pagbabasura sa Resolution No. 9615.
"Considering that we would also need to allot a great percentage of the 180 minutes to national issues, how will we get our message to our voters in the provinces and our stand on local issues with that limited amount of time?" pahayag ni Cayetano.