MANILA, Philippines - Walang Pinoy na nasaktan sa magkasunod na pambobomba sa Boston Marathon, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) ngayong Martes.
"Meron na tayong mga reports na galing sa ating konsulada sa New York at ang sabi po ni Consul General de Leon na so far wala tayong reported Filipino causalities sa pagbombang nangyari po sa Boston," pahayag ng tagapagsalita ng DFA ma si Raul Hernandez sa isang panayam sa radyo.
Aniya, naghihintay ng DFA ng mga dagdag na ulat mula sa mga awtoridad ng Boston at mga kontak nitong mga Pilipino sa lugar.
"They are still conducting, the police, the Boston police pati na rin po mga hospitals at yung mga Filipino contacts at yung Boston Athletic Association para alamin kung merong mga Filipino na nadamay doon sa pagsabog na nangyari dun sa Boston," sabi ni Hernandez.
Ayon kay Hernandez, 10 Pilipino lamang ang sumali sa taunang Boston Marathon at lahat sila ay nasa maayos na kalagayan.
"May sampung Filipino participants doon sa marathon at nakausap nila yung isa I think si Arland Macasaeb at sinabi po ni Macasaeb na sila ay ligtas so as far as the participants are concerned, walang nasugatan o nasaktan o nadamay doon sa pagsabog sa Boston," banggit ni Hernandez.
Patuloy na nakikipag-ugnayan ang DFA sa embahada ng Pilipinas sa Washington at konsulado sa New York tungkol sa insidente.
Tatlo katao ang naitalagang patay at mahigit 130 katao ang sugatan matapos sumabog ang dalawang bomba sa Boston Marathon.
Nakaalerto na ang mga awtoridad sa Estados Unidos dahil sa naganap na pagsabog.