Pinay chef natagpuang patay sa Phl embassy shelter sa Bahrain
MANILA, Philippines - Natagpuang patay ang isang overseas Filipino worker (OFW) nitong Miyerkules sa loob ng isang shelter center na pagmamay-ari ng Philippine embassy sa Bahrain, ayon sa migrant workers' rights group.
Sinabi ni Migrante-Middle East regional coordinator John Monterona na sa palagay ng Embahada ng Pilipinas, nagpatiwakal si Kathleen Ann Viray Ilagan.
Ngunit sinabi ni Monterona na nakatanggap niyang email mula sa dating staff ng Center for Overseas Workers, isang non-government organization na naka base sa Davao, kung saan humihingi ng tulong ang kapamilya ni Ilagan dahil naniniwala silang hindi nagpatiwakal ang OFW.
Umalis ng bansa si Ilagan noong Hunyo ng 2012 upang magtrabaho bilang pastry chef sa isang lokal na kompanya sa Bahrain.
Ayon sa pamilya ni Ilagan, umalis siya kanyang trabaho at tumungo ng embahada ng Pilipinas upang humingi ng tulong upang makauwi sa pamamagitan ng repatriation program.
Pansamantalang namamalagi si Ilagan sa pabahay ng embahada habang inaasikaso ang kanyang pag-uwi.
Sinabi ni Monterona na hindi matanggap ng pamilya ni Ilagan na nagpatiwakal siya dahil wala naman umanong seryosong problema ang OFW na puwedeng maging dahilan upang magpatiwakal.
"All that she wanted was to go home," sabi ni Monterona base sa pahayag ng kamag-anak ni Ilagan.
"We are calling on the Department of Justice in coordination with Department of Foreign Affairs to probe the alleged suicide of Ilagan. This should not easily be declared as suicide without conducting thorough investigation," dagdag ni Monterona.
Iminungkahi ni Monterona na magpadala ang DOJ ng mga imbestigador mula sa National Bureau of Investigation at magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon sa insidente.
Nakakapagtala ng walo hanggang 10 kaso ng "mysterious deaths" kabilang ang mga OFW ang Migrante mula noong 2008 hanggang 2012.
- Latest
- Trending