MANILA, Philippines - Iniutos na ng lokal na korte sa Iligan City ang pag-aresto kay Pagadian City Mayor Samuel Co kaugnay sa P12-bilyon na investment scam ng Aman Futures Group Philippines, Inc.
Sinabi ni Virgilio Mendez, deputy director for regional services ng National Bureau of Investigation (NBI), inilabas ni Judge Alberto Quinto ng Iligan City Regional Trial Court Branch 1 ang warrant of arrest laban kay Samuel Co nitong Huwebes.
Sinabi ni Mendez na agad na sinubukang ihayin ng mga operatiba ng NBI ang warrant of arrest kay Co, ngunit hindi agad natagpuan ang alkalde.
Ilang biktima ng naturang investment scam nagsama kay Co sa mga isinampa nilang kaso laban sa mga opisyal ng Aman Futures kabilang sina Emmanuel Amalilio at asawa nitong si Abigail Pendulas.
Nadakip na sa Sabah si Amalilio dahil sa paggamit ng pekeng pasaporte kaya naman inaasikaso na ng bansa ang extradition sa kanya.
Itinanggi ni Co ang mga paratang na tumayo siya bilang ahente at tumulong sa operasyon ng Aman Futures. Inakusahan naman ng alkalde ng Pagadian ang karibal sa politika na si Zamboanga del Sur Gov. Antonio Cerilles na pasimuno sa mga legal na hakbang laban sa kanya.
Ayon naman sa special panel ng Department of Justice, lumalabas sa preliminary investigation na hindi lamang naging investor si Co ngunit naging ahente rin ang alkalde ng Aman Futures.
Tinutukoy ng mga imbestigador ang certification na inilabas ng Aman Futures noong Agosto kung saan nakalagay na "authorized agent" si Co at nirerentahan ng Aman ang isang gusaling pagmamay-ari ng munisipyo.