MANILA, Philippines - Hindi minamadali ng gobyerno ang pagbuo ng makasaysayang Comprehensive Peace Agreement sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) upang matiyak na pulido ito.
Ipinaliwanag ni government peace panel chair Miriam Coronel-Ferrer ngayong Miyerkules na isinuspinde ang usapang pangkapayapaan simula Marso 25 hanggang Abril 9 dahil gusto nila itong maging plantsado, matatag at pulido.
“I can tell you that the Cabinet members have gone out of their way to shepherd this process. Many have spent time with us seeking solutions, providing context, broadening understanding," pahayag ni Ferrer tungkol sa pagsisimula ng peace talks sa MILF nitong Martes.
Dagdag ni Ferrer na nais ng dalawang partido, lalo na ng gobyerno, na maging makatotohanan ang pipirmahang kasunduang pangkapayapaan para sa Mindanao.
"Our President, this government panel, our government, are not the type who will promise the moon, the sun, and the stars, only to leave you later in the dark or to your own resources when the going gets even tougher," banggit ni Ferrer.
Tututukan pulong ang tatlong annexes na natitira sa inisyal na Framework Agreement on the Bangsamoro, kabilang ang wealth-sharing, power-sharing at normalization sa rehiyon.
“Our agenda remains clear: we solve the remaining issues across the three annexes, seek the creative compromises, and find the right language, “ dagdag ni Ferrer.
Noong Pebrero pumirma ang dalawang panig ng "Transitional Arrangements and Modalities" upang bumuo ng Bangsamoro Basic Law para sa bagong Muslim autonomous region.
Samantala, inihayag ng MILF ang pamunuan nito na makukumpleto na ang kasunduan sa lalong madaling panahon at sinabi pang ibibigay nila hanggang dulo ang kanilang suporta upang matamo ang kapayapaan sa Mindanao.
Ayon kay MILF chief negotiator at Transition Commission chair Mohagher Iqbal matatapos nila ang mga nalalabing annex bago mag-eleksyon sa Mayo.
"Without appearing very simplistic, I think we are about to achieve this historic feat on signing the Comprehensive Peace Agreement with the Aquino administration," dagdag ni Iqbal.