MANILA, Philippines - Ilang araw pa lamang mula nang matanggal ang US Navy minesweeper USS Guardian sa Tubbataha Reef, isa namang Chinese fishing vessel ang sumadsad din sa naturang marine sanctuary.
Iniulat ni Tubbataha Management Office superintendent Angeline Songco sa Philippine Coast Guard (PCG) ngayong Martes ng umaga ang insidente.
May sakay na 12 tripulante ang barkong pangisda na may hull number na 63168. Sumadsad ang barko bandang 11:40 ng gabi nitong Lunes.
Sa inisyal na ulat ng PCG ay ilegal na pumasok sa teritoryo ng bansa ang Chinese vessel.
Samantala, nagpadala na ng search and rescue ship ang PCG sa lugar upang alamin kung gaano kalaki ang pinsalang idinulot ng pagsadsag ng barkong pangisda sa bahura.
Sumampa na sa naturang barko ang mga tauhan ng PCG upang kausapin ang mga sakay nitong mangingisdang mga Tsino.
Naganap ang insidente ilang araw matapos matanggal ang USS Guardian mula sa bahura noong Marso 30. Sumadsad ang naturang barko ng Estados Unidos noong Enero 17 at tinatayang aabot sa 4,000 metro kuwadrado ng bahura ang napinsala sa insidente.