MANILA, Philippines – Tiklo ang anim na hinihinalang miyembro ng private armed groups sa magkakahiwalay na raid sa Ilocos Norte at Ilocos Sur nitong Miyerkules.
Pinangalanan ni Chief Superintendent Ricardo Marquez, Ilocos regional director, ang mga suspek na sina Jar-ar Pambid, Ronnie Icalla, Hanley Ines, Felicito Revilla, Jessie Ermitanio at Joey Sia.
Nasabat sa bahay nina Pambid at Icalla sa Badoc, Ilocos Norte ang dalawang granada, .22 na revolver, at mga bala ng kalibre .45, .38 paltik, 9mm at .357 revolver.
Nasamsam naman sa bahay ni Ines ang kalibre .45 pistol na may anim na bala sa baranggay Teppeng, Sinait, Ilocos Sur.
Matataas na kalibre ng armas ang nakuha sa bahay ni Revilla sa Nueva Era, Ilocos Norte tulad ng Uzi, .38 revolver, shotgun, at ilang bala.
Nakumpiska ang baby Armalite, .22 revolver, kalibre .45, at iba’t ibang bala at magazine para sa iba’t ibang armas sa bahay ni Ermitanio, habang isang granada at hindi nakarehistrong itim na motorsiklo na Honda ang nakuha kina Sia.
Dinala ang mga suspek at ang mga nakumpiskang armas at bala sa Camp Juan sa lungsod ng Laoag at Camp President Quirino sa Ilocos Sur.
Nahaharap sa kasong paglabag sa illegal possession of firearms at election gun ban ang mga suspek.