USS Guardian crew inirekomendang kasuhan
MANILA, Philippines – Inirekomenda na ng independent fact-finding group sa gobyerno ng Palawan ang pagsasampa ng kaso laban sa mga opisyal at tripulante ng USS Guardian ng US navy.
Pinangunahan ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) ang 15-man-fact-finding mission na nagsumite ng rekomendasyon sa opisina ni Palawan Gov. Abaraham Mitra.
Matatandaan na sumadsad ang US Navy minesweeper sa Tubbataha Reefs noong Enero 17.
Bukod sa mga kaso, iminungkahi ng grupo ang pagsasawalang-bisa ng Visiting Forces Agreement (VFA) at iba pang tratado ng gobyerno sa Untied States upang maiwasan ang kaparehong insidente.
Samantala, umapela ang fact-finding group sa panlalawigang gobyerno ng Palawan na iatras ang mga sinampang kaso laban sa mga operator at tauhan ng maliliit na bangkang pangingisda na inihayin ng mga opisyal ng Tubbataha Reef management.
Nanawagan din ang mga ito sa agarang pagpapalabas ng mga bangkang pangisda na kinumpiska ng Tubbataha reef management.
Noong Pebrero ay humingi ng tawad ang gobyerno ng US dahil sa insidente at sinabing magbabayad sila sa nagawang pinsala sa Tubbataha na idineklarang Unesco world Heritage Site.
- Latest
- Trending