Sulu army lusot sa airstrike sa Sabah
MANILA, Philippines – Walang nadaleng miyembro ng royal army ng Sultanato ng Sulu sa airstrike ng puwersa ng Malaysia sa Lahad Datu ngayong Martes ng umaga.
Ayon kay Abraham Idjirani, tagapagsalita ng sultanato, ang lugar na binomba ng mga jet fighter ng Malaysia sa Lahad Datu matagal nang inabandona ng grupo ni Agbimuddin Kiram.
Sinabi ni Idjirani na matapos ang pag-atake ng Malaysia ay agad tumawag si Agbimuddin sa sultanato upang mag-ulat.
"He told us that the Malaysian forces and the police commandos, about seven battalions, attacked the place they supsect of being Agbimuddin's camp," ani Idjirani.
Sinabi ni Idjirani na dalawang beses nagbagsak ng bomba ang mga jet fighters, ang una ay mga bandang 7:30 ng umaga at ang pangalawa ay bandang 9:30 ng umaga.
“Sabi niya (Agbimuddin) may umaaligid ng jet fighter kagabi pa (Monday night). The bomb was dropped on the Malaysian’s area. Iyong area na iyon ay kung nasaan dati si Raja Muda,†dagdag ni Idjirani.
“Nakubkob na iyon ng Malaysian forces. So sila na ang nandoon. So sabi ni Raja Muda, bakit ganoon? Iyon ang pinagtataka namin,†dagdag ni Idjirani.
Samantala, umabot ng hatinggabi ang ginawang pakikipagpulong ni Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario sa mga opisyal ng gobyerno ng Malaysia noong Lunes sa Kuala Lumpur.
Kinausap ni Del Rosario sina Malaysian Foreign Minister Dato Sri' Anifah Aman at Defense Minister Dato' Seri Dr. Ahmad Zamid Hamidi.
Kabilang din sa ginawang pagpupulong sina Philippine Ambassador J. Eduardo Malaya, Malaysian Foreign Ministry Secretary Heneral Tan Sri Mohd Radzi Abdul Rahman at iba pang opisyales ng embahada at Malaysian Foreign and Defense ministries.
Nauna nang sinabi ng Department of Foreign Affairs na hiniling na ni Del Rosario sa gobyerno ng Malaysia na dugtungan ang ibinigay nitong palugit upang lisanin ng grupo ni Kiram ang Lahad Datu.
- Latest
- Trending