MANILA, Philippines – Pinirmahan na ni Pangulong Benigno Aquino III ang batas na magbibigay ng pagkilala sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao noong panahon ng Martial Law.
Inanunsyo ng Pangulo ang pag-lagda niya sa Human Rights Victim Reparation Act of 2013 sa pagdiriwang ng makasaysayang EDSA people power revolution kung saan napatalsik sa pwesto ang namayapa nang si Ferdinand Marcos.
"Hindi natatapos ang paggunita ng ating krusada para sa katarungan kaya nga po sa araw ding ito, nilagdaan natin ang Human Rights Victim Peparation Act of 2013 bilang pagkilala sa pagdurusang dinaanan ng napakarami noong batas militar at upang ipakita na lumipas man ang henerasyon, hindi tayo panghihinaan ng loob sa pagtatama ng mga mali ng nakaraan," ani Aquino.
Pinasalamatan din ng Pangulo ang pamumuno ni Senate president Juan Ponce Enrile at House speaker Feliciano Belmonte Jr. sa pagkakapasa ng panukala sa Kongreso.
"Kabilang po sa mga nagsulong na batas na ito tiniyak nilang hindi man maibabalik ang panahon na ninakaw sa mga biktima ng batas militar, masisiguro naman ang pagkilala ng Estado sa kanilang pinagdaanan at nang sa gayon mailapit sila sa sa tuluyang paghihilom sa mga sugat ng nakaraan," dagdag ni Aquino.
Pinuri din ng Pangulo ang kongresistang si Erin Tañada at Senator Serge Osmeña sa paggawa ng panukala.