Negosyante pinalaya ng mga kidnaper sa Sulu

MANILA, Philippines – Pinalaya na ngayong Biyernes ang negosyanteng pinaniniwalaang dinukot ng mga miyembro ng Abu Sayyaf group noong nakalipas na buwan.

Kinumpirma ni Chief Superintendent Juanito Vaño, direktor ng Western Mindanao regional police, ang paglaya ni Edgar Favella sa Sulu.

Sinabi ni Vaño na maayos ang kalagayan ni Favella nang pakawalan ng kanyang mga kidnaper at inaasikaso na ng mga awtoridad ang pagdadala sa biktima sa Zamboanga City.

Bandang 10 ng umaga pinalaya ang biktima matapos ang negosasyon ng mga pamilya ni Favella sa mga kidnapper, sabi ni Task Group Favella commander at city police director Senior Superintendent Edwin de Ocampo.

“It was the family who directly negotiated for the safe release of the victim,” sabi ni De Ocampo.

Hindi naman makumpirma ni De Ocampo kung nagbayad ang pamilya ng biktima ng ransom kapalit ng kalayaan ni Favella na may-ari ng restaurant at operator ng trucking business.

Dinukot si Favella noong Enero 11 mula sa kanyang kainan sa Baranggay Maasin ng Zamboanga City. Dinala siya ng mga kidnaper sa Sulu, kung saan namalagi siya ng mahigit 40 araw.

Ayon kay De Ocampo, sinabi ng mga kidnaper sa pamilya ng biktima na kunin si Favella sa pantalan.

Dinala si Favella sa ospital upang sumailalim sa medical check-up.

Umapela ang pamilya ni Favella na bigyan sila ng privacy at hayaan silang huwag nang humarap sa mga miyembro ng media, ayon sa pinuno ng local crisis management committee na si Mayor Celso Lobregat.

Show comments