Masikip na trapiko sa Quiapo inaasahan - MMDA

MANILA, Philippines – Inabisuhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga motorista ngayong Martes na iwasan ang Plaza Miranda sa Quiapo, Maynila dahil sa gagawing proclamation rally ng senatorial candidates ng Liberal Party ngayong Martes ng hapon.

Sa Twitter account nito na @MMDA, sinabi ng ahensya na iwasang dumaan sa lugar dahil sa mabigat na daloy ng trapiko.

Ayon sa MMDA, magsisimulang bumigat ang daloy ng trapiko sa paligid ng Plaza Miranda bago mag-5 ng hapon, ang takdang oras ng proclamation rally ng partido ng Pangulong Aquino.

Magpapakalat naman ng mga tauhan ang Manila Police District sa Plaza Miranda at mga lugar sa paligid nito upang bantayan ang gaganaping proclamation rally.

Magpapakalat din ang pulisya ng mga bomb sniffing dogs at bomb squad sa Plaza Miranda.

Bukod sa 12 senatorial candidates, may 8,000 tagasuporta ng Liberal Party ang inaasahang dadalo sa proclamation rally, na pangungunahan ni Aquino.

Show comments