MANILA, Philippines - Iimbestigahan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang pagkamatay ng state witness sa pagpatay sa environmentalist na si Gerry Ortega.
Natagpuang nakabigti si Deniis Aranas sa loob ng kanyang selda sa Quezon Disrtrict Jail sa lungsod ng Lucena nitong Martes ng umaga. Kung hindi pa ito isinumbong ng kamag-anak ni Aranas ay hindi malalaman ng pulisya ang insidente.
Sinabi ni Chief Supt. Serafin Barretto, director ng BJMP Region IV, humingi na rin ng tulong si jail warden Supt. Anne Espinosa sa mga pulis at Commission on Human Rights' sa imbestigasyon sa pagkamatay ni Aranas.
Ayon sa mga ulat, nakitang nakabigti si Aranas gamit ang strap ng shoulder bag sa loob ng kanyang selda bandang alas-10 a.m. ngunit ipinagbigay-alam lamang ito pitong oras matapos makita ang wala ng buhay na state witness.
Nais ipa-autopsy ng mga kamag-anak ni Aranas ang bangkay dahil umano sa mga nakitang pasa sa kamay.
Si Aranas ang pangalawang testigo sa pagpatay kay Ortega na namatay kasunod ang pagkasawi ni Valentin Lecias sa isang ospital sa Palawan noong Setyembre.
Binili ni Lecias umano ang baril na ginamit nito sa pagpatay kay Ortega sa Palawan noong Enero 11, habang si Aranas ang nagsilbing lookout.
Binaril umano si Ortega sa Puerto Princesa, Palawan ni Marlon Recamata na hindi pa naaaresto.
Ang dating Palawan Gov. Joel Reyes at utol nitong si Coron Mayor Mario Reyes ang hinihinalang nasa likod ng pag patay.
Itinanggi ng magkapatid ang paratang, ngunit ngayon ay nagtatago.
Samantala, sinabi ni Justice Secretary Leila M. de Lima na magsasagawa din sila ng imbestigasyon sa pagkamatay ni Aranas.