Comelec nagbabala sa mga kandidato

MANILA, Philippines – Ipinaalaala ng Commission on Elections ngayong Miyerkules sa mga national candidates para sa halalan sa Mayo 13 ang mga bawal na gawin sa panahon ng kampanyahan na magsisimula sa susunod na linggo.

Inihayag ng tagapagsalita ng Comelec na si James Jimenez sa kanyang Twitter account na pansinin at isumbong sa komisyon ang mga kandidatong lalabag sa mga panuntunan sa panahon ng kampanya.

Sa ilalim ng bagong panuntunan ipinagbabawal ang pagkakabit ng poster at ibang klase ng propaganda materials ng mga kandidato sa mga pampublikong sasakyan kabilang ang mga bus, taxi at jeep.

Bawal rin idikit o ikabit ang mga campaign materials sa mga linya ng kuryente at sa mga sasakyan na pagamit ng gobyerno sa mga empleyado at mga opisyal nito.

Ipinagbabawal din ang paghu-host ng mga kandidato sa mga TV at radio shows, dagdag ni Jimenez.

"Posters, streamers, tarps will have to be taken down by the pols at their expense...Ang paglabag ng campaign rules ay election offense. Kulong, fine, at pagma-diskwalipika ang parusa," anang tagapagsalita ng Comelec.

Show comments