MANILA, Philippines – Dumating na sa punong-himpilan ng Philippine National Police sa Quezon City ngayong Lunes ang dalawang Pinoy na television crew members na pinalaya ng Abu Sayyaf noong Sabado.
Idiniretso sa tanggapan ng Anti-Kidnapping Group (AKG) sa loob ng Camp Crame ang mga pinalayang bihag na sina Ramel Vela, cameraman at audio technician na si Rolando Letriro.
Sasailalim sa debriefing sina Vela at Letriro sa naturang tanggapan,
Ang dalawang Pinoy ay dinukot ng mga bandidong Abu Sayyaf kasama si Jordanian journalist Baker Abdulla Atyani noong Hunyo 13 ng nakaraang taon.
Nagbayad umano ng ransom upang mapalaya sina Vela at Letriro. Hawak pa rin ng mga bandido si Atyani.
Nagsabi ang dalawang Pinoy na huli nilang nakita si Atyani limang araw matapos silang dukutin ng bandidong grupo.
Sinabi naman ng Sulu provincial police director na si Senior Superintendent Antonio Freyra bandang alas-6 ng gabi pinalaya sina Letriro at Vela noong Sabado.
Nagtungo si Atyani, bureau chief ng Dubai-based na Al-Arabiya new channel, at ang dalawang Pinoy sq Sulu upang kapanayamin ang Abu Sayyaf.
Pinalaya ang dalawang Pinoy mula sa kampo ng Abu Sayyaf sa Kuta Kan Masarin sa Baranggay Buhanginan sa bayan ng Patikul.