Money transfer sinalakay ng armadong grupo

MANILA, Philippines – Isang grupo ng mga lalaking armadong ng malalakas na kalibre ng baril ang sumalakay sa isang money changer shop sa Parañaque bago magtanghali ngayong Martes.

Ayon sa pulisya, anim na armadong lalaki na sakay ng dalawang motorsiklo ang puwersahang pumasok sa sangay ng Western Union sa kanto ng Dr. A. Santos Avenue at Lopez Avenue sa Sucat at tumangay ng P60,000 cash.

Ayon sa mga pulis na rumesponde sa nakawan, armado ng matataas na kalibre ng baril tulad ng automatic rifles ang mga magnanakaw na tinugis ng mga pulis ngunit tuluyan ding nakatakas.

Nitong Lunes lamang ay isang negosyanteng Tsinoy ang tinambangan at napatay sa lungsod ng San Juan.

Noong Sabado ng gabi ay nagkagulo naman sa SM Megamall sa lungsod ng Mandaluyong nang pagnakawan ang isang jewelry shop sa upper ground ng mall.

Nangyari ang tatlong insidente kahit pa man may mga nakakalat na checkpoints ang Philippine National Police sa buong Metro Manila at habang istriktong ipinapatupad ang election gun ban ng Commission on Elections para sa nalalapit na halalan sa Mayo.

Show comments