MANILA, Philippines – Pabor ang Northern Police District (NPD) sa panukalang magkaroon ng reward system sa Caloocan City.
Ayon kay Chief Superintendent Joel Ma. Alvarez, direktor ng NPD, ang panukala ay malaking tulong upang mabailis maresolba ang mga kasong kriminal sa lungsod.
Dagdag niya, hindi kayang saluhin ng Philippine National Police (PNP) ang pagbibigay ng pabuya kaya naman malaking tulong para sa mga awtoridad ang mungkahi upang mahuli ang mga kriminal at makuha din ang kooperasyon ng publiko.
Ipinanukala ni Caloocan City councilor Ricojudge Janvier Echiverri ang isang ordinansang magtatatag ng reward system sa lungsod upang makatulong sa paglutas ng mga kaso at mabilis na pagkaaresto sa mga suspek.
Ipinasa ni Echiverri ang panukala matapos mamatay ang pitong-gulang na si Stephanie Nicole Ella dahil sa ligaw na bala noong bagong taon sa tapat ng kanilang bahay sa Barangay 185, Malaria, Caloocan City.
Wala pang nailalagay na halaga ang konsehal sa pagbibigay ng pabuya.
Nag-alok ang lokal na gobyerno ng P200,000 na pabuya para sa makakapagbigay ng impormasyon na makakatulong sa pag-aresto sa nasa likod ng pagkamatay ni Ella.
Magbibigay naman ng P2 milyon si Pangulong Benigno Aquino III sa makakahuli sa gunman.