RH law pinetisyon ng anak ng CBCP legal counsel

 

MANILA, Philippines – Naghayin ng petisyon ang anak ng isang legal na tagapayo ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines' (CBCP) upang ipatigil ang implementasyon ng kontrobersyal na Reproductive Health (RH) law na pinirmahan ni Pangulong Aquino kamakailan lamang.

Nagpasa ng petition for certiorari and injunction si James Imbong laban sa RH law sa Korte Suprema ngayong Miyerkules kasama ang kanyang ina na si CBCP legal counsel na si Jo Imbong.

Sa petisyon, sinabi ng nakababatang Imbong na sumobra ang Kongreso sa paggamit ng legistalive powers nito at nilabag din nito ang basic principles ng Saligang Batas sa pagpapasa ng RH law.

Idinagdag pa ni Imbong sa petisyon na lumabag din sa batas si Pangulong Aquino nang lagdaan niya ang "policy that negates and frustrates basic Constitutional principles."

Samantala, sinabi naman ng nakakatandang Imbong sa isang panayam sa radyo na marami pang petisyon ang ihahayin ng mga grupo kontra sa RH law sa mga susunod na araw.

Para sa CBCP, na isa sa mga kumokontra sa pagpasa ng RH bill sa Kongreso, halos ginawang legal na sa bansa ang pagpapalaglag.

Ayon naman sa mga sumusuporta sa batas, ang RH law ay magbibigay-daan sa abot-kamay na health service para sa mga kababaihan at kanilang mga supling.

Show comments