Agarang pag-aresto sa nakabaril kay Stephanie Nicole hiniling
January 2, 2013 | 2:33pm
MANILA, Philippines - Hiniling ngayong Miyerkules ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri sa National Capital Region Police Office (NCRPO) ang agarang pag-aresto sa taong nagpaputok ng baril na pinanggalingan ng ligaw na balang tumama sa ulo ng 7-taong-gulang na si Stephanie Nicole Ella habang sinasalubong ang bagong taon.
Kasabay nito, nagbigay naman si Liga ng mga Barangay sa Pilipinas president, Councilor Ricojudge “RJ” Echiverri ng P50,000 sa magulang ng biktima upang magamit nila sa mga gastusin sa ospital.
Ayon sa pulisya, bandang alas-12:45 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa labas ng bahay ng biktima sa #2066 San Lorenzo Ruiz Street, Barangay 185, Malaria, Caloocan City.
Nanonood ng mga pailaw ang biktima kasama ng kanyang mga kamag-anak nang bigla na lamang siyang bumagsak. Nang tingnan ng kanyang amang si Jay ang bata, nadiskubreng may tama siya sa ulo.
Agad isinugod sa East Avenue Medical Center (EAMC) ang bata kung saan siya patuloy na inoobserbahan.
Sa salaysay ng ilang nakasaksi, posibleng malapit sa Tala Leprosarium nagmula ang putok ng baril.
Kaugnay nito, nakikiusap din si Mayor Echiverri kay NCRPO chief, Director Leonardo Espina, na bilisan ang ginagawang imbestigasyon upang agad na matukoy ang pagkakakilanlan ng taong nagpaputok ng baril na naging dahilan ng pagkakasugat ng biktima.
Hinikayat din ni Mayor Echiverri ang mga residenteng nakasaksi na huwag matakot at lumantad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek na hanggang ngayon ay hindi pa rin natutukoy ang pagkakakilanlan.
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Latest
Recommended