Bilang ng biktima ng paputok tumaas sa 108
MANILA, Philippines – Bahagya pang tumaas ang bilang ng mga taong nasugatan dahil sa paputok simula Disyembre 21, ayon sa Department of Health (DOH) ngayong Huwebes.
Iniulat ni DOH Assistant Secretary Eric Tayag na simula Disyembre 21 hanggang 26, umabot na sa 108 katao ang nasugatan dahil sa paputok at ligaw na bala. May 23 sa naturang bilang ang nasugatan sa mata dahil sa paputok at malaki aniya ang posibilidad na mabulag ang ilan sa mga ito.
Ayon kay Tayag, mas mababa ang naturang bilang kumpara sa kaparehong mga petsa noong nakalipas na taon na umabot sa 147.
Sa kabila ng mas mababang bilang ng mga insidente, sinabi ni Tayag na paiigtingin pa ng DOH, sa tulong ng Philipine National Police (PNP), ang kampanya kontra paputok.
Aniya, patitindihin ng DOH at PNP ang pagmamanman lalo na sa Disyembre 31 at sa mismong araw ng Bagong Taon dahil 70 porsyento umano ng mga insidente ng nasusugatan sa paputok ay naitatala sa mga araw na ito.
Sa pagsalubong sa taong 2012, apat katao ang naitalang nasawi dahil sa paputok.
"Malaki na ang ibinaba simula dekada '90," sabi ni Tayag.
Samantalaga, nagbubuo na ang DOH ng mga panukala upang lalo pang mabawasan ang mga insidente ng mga namamatay at nasusugatan ng paputok sa mga susunod pang taon.
Aniya, malabong magpatupad ng total firecracker ban ang pamahalaan pero may mga mungkahi na bawalan ang tingi-tinging pagbibenta ng mga paputok.
- Latest
- Trending