MANILA, Philippines – Patay ang isang traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at isang retiradong pulis sa magkahiwalay na insidente ng pananambang sa Maynila at Quezon City nitong Linggo ng gabi.
Kinilala ang mga napaslang na si MMDA traffic enforcer Arnold Role at dating pulis na si Constantino Garipicadan.
Ayon sa pulisya sa Maynila, pinaslang si Role ng nag-iisang salarin malapit sa kanyang bahay sa Trinidad Street, Barangay 102 sa distrito ng Tondo.
Naglalaro si Role ng mahjong nang maganap ang pamamaslang.
Samantala, niratrat ng walong lalaking sakay ng apat na motorsiklo si Garipicadan sa harap ng kanyang bahay sa Santo Niño de Payatas sa lungsod ng Quezon.
Patay agad ang retiradong pulis sa 20 tama ng bala ng baril sa iba't ibang bahagi ng kanyang katawan.
Ayon sa imbestigasyon, lumabas si Garipicadan upang tingnan kung sino ang bumabato sa kanyang bahay. Paglabas na paglabas ng bahay, niratrat ng mga salarin ang dating pulis.
Nang matiyak na patay na si Garipicadan, agad tumalilis ang mga salarin sakay ng kanilang mga motorsiklo.
Inaalam pa ng mga pulis kung ano ang mga motibo sa magkahiwalay na pamamaslang.