MANILA, Philippines – Nanawagan ang isang labor group sa pamunuan ng Social Security System (SSS) na magsagawa ng public consultation upang maipaliwanag ang pagtaas ng SSS premium contribution ng mga pribadong empleyado.
Plano ng pamunuan ng SSS na taasan ang kontribusyon, kung saan 50 porsyento nito ay sasagutin ng employer, habang ang kalahati ay pupunuan ng mga empleyado.
Sinabi ni Sammy Malunes ng Kilusang Mayo Una na ang 50 porsyentong karagdagan ay dagdag-pasakit sa mga empleyado ng pribadong sektor.
"Bakit kailangang i-jack ang premium? Dapat linawin kung saan ang investment na 'yan. Gaining investment o losing side ng investment ba yan? Or otherwise mismangenement ng pera natin. Ang KMU ay nanawagan na ipaliwanag in public ng SSS kung saan napupunta ang investment," pahayag ni Malunes sa isang media briefing sa Greenhills, San Juan City.
Dagdag ni Malunes na kung ang pagtaas ng kontribusyon ay dahil sa pagkalugi ng pamunuaan, hindi dapat ito maging pasanin ng mga miyembro ng SSS.
"Hindi dapat balikatin ng SSS member ang mga losses nito. Inaasahan natin na palaguin ang perang ito kasi nagiging modus operandi pa ito ng malalaking business partikular na sa real estate," sabi ni Malunes.
Ipinaliwanag pa niya na ang karagdagan na kontribusyon sa SSS para sa mga minimum wage worker ay aabot sa dagdag P300 kada buwan.
"Hindi nila kakayanin ito kasi tandaan natin nagbabanta ang pagtaas ng presyo ng bilihin next year," sabi ni Malunes. Dennis Carcamo