MANILA, Philippines – Mainit na sinalubong ng mga kapwa mahistrado sa Korte Suprema ang pagdating ng bagong talagang si Associate Justice Marvic Leonen nang dumalo ito sa regular na flag-raising ceremony sa Padre Faura, Maynila.
Pinasalamatan ni Leonen, 49, ang mga magsasaka at mga taga Bangsangmoro na kanyang nakilala at nakatrabaho habang nakaupo siyang chief negotiator ng gobyerno para sa Moro Islamic Liberation Front.
Si Leonen ang pinakabatang miyembro ng Korte Suprema. Inupuan ni Leonen ang puwestong nabakante ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Pito ang inirekomenda ng Judicial and Bar Council para pagpilian ni Pangulong Benigno Aquino III sa nasabing pwesto.
Sa ilalim ng pamumuno ni Leonen sa peace panel ng gobyerno para sa MILF, nalagdaan ang Framework Agreement of the Bangsamoro na inaasahang magbibigay-daan para sa paglagda ng gobyerno at rebeldeng grupo ng final peace agreement.
Umaasa ang administrasyong Aquino na may bago nang Bangsamoro political entity ang Mindanao at may nalagdaan nang kasunduan sa pagitan ng dalawang grupo bago matapos ang taong 2016.