Ampatuan masaker gugunitain sa Mendiola

MANILA, Philippines – Maraming grupo ng mga mamamahayag ang magmamartsa papuntang Don Chino Roces Bridge (dating Mendiola bridge) ngayong Biyernes upang gunitain ang ikatlong anibersaryo ng Maguindanao massacre.

Dada-dala ng grupo ang 32 pekeng kabaong at 11-foot "Impunity Monster" effigy mula Welcome Rotonda sa Quezon City patungong Don Chino Roces Bridge sa Maynila.

Ang 32 pekeng kabaong ay simbolo ng 32 mamamahayag na nasawi sa massacre habang ang effigy simbolo naman ng patuloy na pagtakas sa batas ng mga may sala sa karumal-dumal na krimen, ayon sa grupo.

Susunugin ng grupo ang effigy pagkatapos ng isang maikling programa sa Don Chino Roces Bridge bandang 5:00 ng hapon.

Mananawagan din ang grupo kay Pangulong Aquino na tuparin ang kanyang pangako sa 58 kamag-anak ng mga biktima na makamit ang hustisya.

Kamakailan lamang ay nagpahayag ng pangamba ang mga kamag-anak ng mga biktima dahil sa mabagal na pag-usad ng kasong multiple murder kontra sa mga Ampatuan.

Nanawagan din sila sa gobyerno na doblehin ang ginagawa nitong aksyon sa pag-aresto ng mga akusadong nananatiling laya.

Noong Nobyembre 23, 2009, 58 katao ang brutal na pinagpapatay ng mga umano’y miyembro ng pamilya Ampatuan at ng kanilang private army sa bayan ng Ampatuan sa Maguindanao.

Kabilang sa pangunahing akusado na ngayon ay nakakulong na ay sina dating Maguindanao Andal Ampatuan Sr., at mga anak nitong sina, dating alkalde ng Datu Unsay Andal Ampatuan Jr.at dating gobernador ng ARMM Zaldy Ampatuan.

Ayon sa mga private prosecutors, 91 iba pang mga akusado ang hindi naaaresto ng mga awtoridad. Dennis Carcamo

Show comments