MANILA, Philippines – Iginiit ng National Telecommunications Commission (NTC) ngayong Miyerkules na hindi dapat maapektuhan ang "unlimited" promos ng mga telcos sa utos nilang pag-refund.
"Unlimited [call and text] services should not be affected," sabi ni NTC Director for Common Carriers Authorization Department Edgardo Cabarrios sa isang panayam sa radyo.
Sa layuning makahikayat ng mas maraming subscriber, nag-aalok ang mga telcos ng unlimited call at text.
Sinabi pa ni Cabarrios na may sapat na pondo ang mga telcos -– Globe Telecom, Smart Communications Inc. at Digitel Mobile Philippines Inc. –- upang makapag-refund sa kanilang mga subscriber.
Iniutos ng NTC sa mga telcos na magbalik sila ng P1.42 bilyon dahil sa hindi nila pagsunod sa naunang utos ng komisyon na bawasan ng 20 sentimo ang singil na P1 kada text.
Inihayag ni Cabarrios noong Martes na pinarurusahan nila ang mga telcos sa hindi pagsunod sa NTC Memorandum Circular 02-10-2011, kung saan pinapabawasan ang interconnection charge mula P0.35 sa P0.15.
Sa inilabas na memorandum, noong Disyembre ng nakaraang taon pa dapat ibinaba sa 80 sentimos ang singil kada-text mula sa P1.
Ang refund na dapat ibigay ng mga telcos ay mula sa sobrang singil na P0.20 sa kada-text na sa tantiya ay aabot sa P20 milyon.
Sa pinakahuling datos, umabot sa 68.6 milyon ang subscriber ng PLDT, kabilang dito ang Smart Communications na may 25.6 milyon, kasunod ang Talk ‘N Text na may 26.5 milyon, at Digitel’s Sun Cellular na may 16 million.
Ang Globe naman ay may 32.1 milyong subscriber.