Unified ticketing system ipatutupad na sa MM

MANILA, Philippines – Napagkasunduan na ngayong Huwebes ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at mga alkalde ng Kalakhang Maynila na iisang klaseng traffic violation ticketing system na lamang ang gagamitin.

Ayon sa MMDA, inaprubahan nila ang Resolution No. 12-02 o "Adopting a Uniform Ticketing System" matapos ang pag-aaral na ginawa ng technical working group.

Magsisimula ang implementasyon nito sa Enero ng susunod na taon.

Sa ilalim ng bagong ticketing at penalty system, mula P500 ang sisingilin sa mga paglabag tulad ng “disobedience to traffic sings” hanggang P2,500 sa pag papatakbo ng taksi na depektibo ang metro.

Matatandaan na nagkasundo na noon ang MMDA at iba pang alkalde sa paggamitt ng uniform ticketing sa Metro Manila, ngunit hindi nagkasundo sa kung magkano ang ipapataw na multa sa bawat paglabag ng mga motorista.

Ang mga single traffic violation tickets na gagamitin ay tatawaging Unified Ordinance Violation Receipts (UOVR) na may logo ng MMDA, Land Transportation Office (LTO) at 17 Metro Manila Local Government Units.

Ang UOVR ay may mga security features upang maiwasan na mapeke ito.

Sa paggamit ng UOVR, maaaring gamitin bilang pansamantalang lisensya ang traffic violation ticket na ibibigay sa mga motoristang makukuhanan ng driver's license.

Kung sakaling mahuli ang motorista sa ibang lungsod, hindi na siya pagmumultahin sa paglabag sa pagmamaneho nang walang lisensya at kailangan lamang ipakita ang UOVR.

Sinabi pa ng MMDA na ang UOVR ay para lamang sa isang klase ng paglabag. Kung mahuli ng overspeeding sa isang lungsod, ay maaari pa rin siyang pagmultahin sa iba pang paglabag tulad ng beating the red light.

Dagdag pa ng ahensya na kikilalanin din ng mga traffic enforcers ng LTO ang UOVR. Mike Frialde

Show comments