Zombie Family (371)
NI-RESEARCH nga ni Leilani ang mga bachelors na mayayaman sa Metro Manila. Gusto lang naman niyang mapagkuwartahan dahil si Nikolai pa rin ang mahal niya.
Kaya pumili siya ng matandang binata na sobra ang yaman, maraming mga kompanya at ari-arian.
Si Jose Comendador.
At alam pa niya ang isa sa mga kompanya nito, kung nasaan ang building.
Gamit ang perang bigay ng waiter ng coffee shop, nakarating siya sa building.
Comendador Properties.
Ngumiti siya kaagad sa security guard.
Ngiti naman din kaagad ito, gandang-ganda.
“Saan po kayo, Ma’m?”
“Friend ko ang secretary ni Mr. Comendador, si Chona Castillo.”
Na-research din niya kung sino ang dapat kontakin kapag may kailangang importante kay Jose Comendador, ang sekretarya nitong si Chona.
Taka yata ang guard dahil ni wala siyang dalang bag.
Biglang pinalungkot nang husto ni Leilani ang napakagandang mukha. “Kailangan ko ang tulong niya. Nai-snatch ang bag ko, e.”
“Pero baka wala pa siya, Ma’m. Mga alas-diyes ng umaga po kung dumating ‘yon.”
“Alam ko. Pero puwede bang maghintay na lang ako sa labas ng office niya?”
Nawala sa tamang pagdidisisyon ang guwardiya dahil distracted sa kagandahang kapag ngumingiti ay nakakatulala.
“Sige ho. Puwede. Hindi naman kayo mukhang may masamang balak. Pasok na kayo. Nasa top floor ang office.”
“Ah, oo. Alam ko kasi nakapunta na rin naman ako sa office ni Chona. Thanks, ha?”
Napakaregal nang paglakad ni Leilani, pati nang pasakay na siya sa elevator, lalaki man at babae, mesmerized sa kanyang ganda.
Napapailing na lang ang guwardiya na ang mga mata ay nakasunod pa rin sa hindi niya alam ay siya palang flying zombie.
Medyo nagtaka lang si Leilani sa kanyang sarili. Dahil habang nasa elevator na siya kasama ang ibang tao, napapatingin siya sa ulo ng mga ito. At gutom na gutom ang pakiramdam niya, meron sa loob ng ulo na gustung-gusto niya. ITUTULOY
- Latest