Weasel inilipad ng ibon
Kilala ang East London-based photographer na si Martin Le-May sa kanyang kamangha-manghang mga litrato. Nitong linggo nga lang ay marami ang nawindang sa kinunan niyang litrato kung saan makikitang nakasakay ang baby weasel sa isang woodpecker na isang klase ng ibon.
Sa unang tingin ay cute ang dalawa na animo’y namamasyal lang. Pero ayon mismo kay Martin, hindi magkaibigan ang dalawa at katunayan, sila ay nag-aaway. Naririnig daw niya ang huni ng mga ito kaya naman agad niyang kinuha ang kanyang camera at doon na nga niya naaktuhan ang kanilang ‘paglipad’.
Ayon sa iba pang nakakita, sinubukan ng baby weasel na sirain ang pugad ng woodpecker at kainin ito.
Malamang daw ay sinubukan ng woodpecker na tumakas ngunit nakakapit pa rin sa kanya ang baby weasel.
Ayon kay Stebe Backshall, isang wildlife presenter, hindi madalas lumipad ang mga woodpecker kaya nakagugulat ito dahil may baby weasel pa itong buhat-buhat.
- Latest