Duda sa pag-ibig ng ka-live in
Dear Vanezza,
Isa akong biyudo at 62 anyos na. May kinakasamang 23 anyos na dalaga. Sunod siya sa luho at napagtapos ko pa sa kolehiyo. Maalaga naman at mapagmahal siya. Pero hindi ko masiguro kung totoo ang pagmamahal niya sa akin o dahil lang nasusunod ko ang mga pangangailangan niya pati na ang kanyang pag-aaral. Hindi ko kasi maramdaman ang init ng pag-ibig niya. Tuwing hahalikan ko siya lalo na sa lips, parang pinipilit lang niyang masiyahan upang maligayahan ako. Niyayaya ko siyang magpakasal pero ayaw niya. Baka raw isipin ng aking mga anak na habol niya lang ang mamanahin sa akin. May mga sarili ng pamilya ang aking mga anak at suportado naman nila ako kung saan ako maligaya. Mahal kaya ako ng kinakasama ko? - Egay
Dear Egay,
Ang pag-ibig ay nararamdaman ng tao kaya ikaw lang din ang makapagsasabi kung mahal ka nga niya. Kung maalaga naman siya sa’yo, wala ka ng dapat hanapin pa. Malayo ang agwat ninyo sa edad at posible ngang pumatol lamang siya sa iyo dahil ikaw ang makapagbibigay ng katuparan sa kanyang pangarap. Pero kung maganda naman ang ipinakikitungo mo sa kanya, hindi malayong kahit para ka na niyang lolo ay matutuhan ka rin niyang mahalin. Kaya huwag mo nang pagdudahan ang katapatan ng iyong kinakasama. Makuntento ka na lang sa maganda niyang ipinakikita sa iyo.
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest