Nasi Lemak meals sa murang-murang halaga!
Mukhang paborito ko na yata talaga ang SM Megamall. Ang dami kasing pagpipilian na puwedeng kainan dito. Minsang nagawi naman ako sa lumang SM Supermarket, sa building B ng giant mall na ito sa Q.C. Napukaw ang aking atensyon sa food stall na Laki Tian Nasi Lemak (Taste of Singapore). Parang hindi ko alam kung inaasar ako na malaki ang aking tiyan (Laki Tian) o talagang ito ang naisip nilang ipangalan sa kanilang business. Ha ha ha.
Anyway, naalala ko bigla ang idol kong Malaysian chef na si Sherson Lian dahil sa nasi lemak, kaya naman naisipan kong kumain dito. Ang nasi lemak ay isang Malaysian rice na niluto sa gata na may pandan. Pero popular din ang nasi lemak sa mga karatig bansa nito tulad ng Singapore, Indonesia, Brunei, at Southern Thailand. ‘Wag kayo, popular din ito sa ating mga kapatid na Muslim sa Timog na bahagi ng ating bansa.
Since hindi pa ako nakakatikim ng authentic nasi lemak, ang rebyu na ito ay guide sa mga first time at gusto rin sumubok ng nasabing pagkain. Balik tayo sa rebyu, medyo mura ang presyo ng pagkain nila na nagri-range sa P45.00 to P55.00 lang ang halaga. Pasok sa budget ng mga kuripot pero mahilig kumain na tulad ko!
Ang order ko dapat ay Ngo Hiang o Kikiam set meal, pero naunahan ako ng isang ale sa pagbili. Kaya sinubukan ko na lang ang Popiah o Spring Roll set na nagkakahalaga lang ng P48.00. Heto ang catch, magdagdag ka lang ng P5.00 at may maliit na drink ka na!
Ilang minuto lang ang nakalipas at nakuha ko na ang order ko. Nakalagay sa paper plate ang aking order na may dalawang spring rolls, piniritong itlog, roasted peanuts at sambal (sauce na gawa sa sili at iba pang ingredients), at nasi lemak (rice). Medyo iba lang ang in-expect ko sa lasa ng kanin dahil hindi ko malasahan ang coconut at pandan, pero masarap pa rin naman. Iba rin ang ine-expect ko sa sambal, parang medyo lasang alamang lang kasi na maanghang ito, pero masarap pa rin naman. Ang popiah ang nagustuahan ko, all veggie yata ang ginamit nila na may consistency ng atsara ang loob. Kita mo ang shredded carrots, pero hindi ko malasahan kung papaya o singkamas ang ginamit nilang main ingredient. May matamis na sauce ito na nagku-complement sa maanghang na sambal.
Sa kabuuan, nasarapan at nag-enjoy ako sa murang set meal ng Laki Tian Nasi Lemak, nabitin pa nga ako sa isang rice dahil sa laki ng serving. Pero anghangan pa sana nila ang kanilang sambal at i-improve ng kaunti ang lasa ng kainin. Kaya ang rating ko ay 4 out of 5. Burp!
- Latest















