Island of the undead (54)
“IBALIK MO sabi si Joanne ngayundin, reyna! Kundi’y isinusumpa kong mananatili ka nang super-pangit hanggang sa katapusan ng mundo!” sigaw ni Duktor Larry, galit na galit sa lider ng mga Undead.
Namutla si Reyna Coreana, hindi matatanggap na mabubuhay siya nang hindi gumanda, pagkapangit-pangit na hukluban.
Siya pa naman ay mahaba na ang ipinanatili sa daigdig; matanda pa kina Lapu-lapu at Raja Sulayman!
Sa unang pagkakataon mulang magkaisip, ngayon lang sumuko sa utos ng isang mortal si Reyna Coreana.
Sumipol ito, ginamit ang malakas na hangin; hanggang sa kinaroroonan ng tatlong tao sa dagat.
Hinila ng puwersa sa dalampasigan sina Miley, Blizzard at Duktora Joanne.
Pero ang huli ay ga-hibla na lang ang hininga, hinihila na ni Kamatayan.
“Oh my God! Joanne, don’t die! Kailangan ka namin ng ating mga anak!
“Maliliit pa sila! At napakarami pa nating pangarap!”
“A-yo-ko pang u-ma-lis, Lar-ry... hu-wag kang pa-pa-yag na–ako’y ma-ma-tay na nga-yon...”
Ngunit itinakdang magwagi si Kamatayan.
Kinuha na nito si Duktora Joanne.
The good duktora is dead!
Kaylakas ng hagulhol ni Doctor Larry. “BU-HU-HU-HU-HU-HUU!”
Gayunma’y pinapanaig ang hinahon, kahit kumakawala ang galit sa puno’t dulo ng lahat nilang dusa ni Joanne.
“Impakta ka, reyna! Hindi ka dapat nabuhay sa aming panahon!”
Pinawalan niya ang mga tikom na kamao, binugbog ang super-pangit na nilikha ng kaaway ng Diyos.
BAGG-BUGG-PUGG-PAGG. Kaliwa’t kanang suntok iyon na tila wala nang katapusan; wala nang wakas.
Ginapi na lang ng pagod kaya napahinto, hingal-kabayo.
Ang reyna ng kapangitan ay yanig na yanig, nadama ang sakit at kirot ng bugbog-sarado!
Isang talunan sa mga sandaling ito ang laging palalong lider. Natutong magpakumbaba. “S-sabihin mo ang dapat kong gawin, Dok...” (ITUTULOY)
- Latest