Pinopormahan ng bf ng ate niya
Dear Vanezza,
May bf po ang ate ko na ipinakilala niya sa amin. Mukhang mabait at may itsura naman. Kaya lang napansin ko na mula noon, madalas na siyang magpunta sa bahay kapag wala ang ate ko na nasa trabaho. Alam niya kung anong oras ako nasa bahay. Kunwari si ate ang pakay niya, yun pala gusto lang dumiskarte sa akin. Marami siyang pahaging. Hanggang isang araw ay tinapat niya ako na type niya ako. Nagulat ako sa sinabi niya. Aaminin ko na noong araw ay hanga ako sa kanya. Pero ngayon ay naiinis na ako dahil gf niya ang ate ko tapos gusto niya akong patusin. How do I get rid of this guy na hindi naman ako magmumukhang bastos sa kanya? - Myka
Dear Myka,
Sabihin mo sa kapatid mo ang kapreskuhan ng bf niya. Kung ngayon pa lang ay ipinapakita na ng bf niya ang kasuwapangan sa babae, dapat na siyang dispatsahin ng ate mo. Tinitiyak ko na hindi siya magiging mabuting lifetime partner ng ate mo. Walang masama kung prangkahin mo siya dahil mali ang ginagawa niya na tuhugin kayong dalawa. Habang maaga ay soplahin mo na siya. Baka sa kakakunsinti mo sa kanyang mga pahaging ay akalain pa niyang type mo rin siya.
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest
















