Ayaw paligawan ng magulang
Dear Vanezza,
Ang problema ko ay tungkol sa aking magulang na overprotective. Ayaw nila akong maligawan. Sinusundo pa ako sa school ng kuya ko. Mas maluwag sila sa kuya ko dahil lalaki raw. Hindi ba natural lang sa edad kong 18 ang magkaroon ng admirers? Minsang nagsabi ako na may gustong umakyat ng ligaw sa akin ay tumutol sila. Galit na sinabing ayaw nilang may lalaki na hindi namin kamag-anak na papanik sa amin para bisitahin ako. Mabait naman akong anak at alam ko ang limitations ko. Ngunit hindi ba kapag ganyan kahigpit ang magulang ay lalong nagwawala ang mga anak? Nagiging rebelious nga yung iba na pinaghihigpitan masyado ng parents nila. Ano kaya ang dapat kong gawin para magbago sila ng ugali? - Candy
Dear Candy,
May kasabihan na kapag dumakot ka ng buhangin at pinahigpit ang pisil ng iyong mga palad, tatapon ang buhangin. Pero kung katamtaman lang ang hawak dito ay mananatili ito sa iyong palad. Mabuti na lang at ikaw ay isang anak na may matuwid na pag-iisip. Ang masasabi ko’y keep it up at huwag maging rebelde sa attitude ng mga magulang mo. Marahil ay nais nilang makatapos ka muna ng pag-aaral. Ituloy mo lang ang pagiging isang mabuting anak at darating ang araw na maiintindihan ka rin nila.
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest