Sandaang mumunting halimaw (30)
“EEEEE! EEEEE! EEEEE!” Nagtitili nga si Shirya matapos makita ang anyo ni Eugenio. Higit pa pala sa kanyang inaasahan ang katauhan ng minamahal.
Sa tantiya ni Shirya, si Eugenio na ang pinakapangit sa lahat ng naging zombie. Isa itong kahambal-hambal na walking dead!
“Uuunnn.” Nahimatay ang magandang diwata ng tagong batis, hindi nakayanan ng dibdib ang natanaw.
Dinaluhan agad ito ni Eugenio. Awang-awa siya sa diwata. “Shirya, mahal.. . hindi ko ginustong magdusa ka sa kalagayan ko.
“Kung puwede nga lang bang maglaho na ako sa mundo.
“Wala nang saysay ang pananatili ko rito, Shirya...” bulong ni Eugenio sa dalagang unconscious pa rin.
“ANO PO ANG GAGAWIN KO, LORD?” nakatingalang tanong ni Eugenio sa Maykapal. “Saan po ako dapat...?”
Nakahiga sa malapad na batuhan ng batis si Shirya. Malalim ang paghinga ng diwata.
Bigla na lang natauhan, nasagap ang napakabahong amoy ni Eugenio.
Napaigtad si Shirya, bumalikwas mula sa pagkakahiga sa malapad na batuhan. Nais na namang mangapos ang hininga ng hubad na diwata ng nakatagong batis.
Dumistansiya kay Shirya si Eugenio, lumayo ng tatlong dipa.
“Isa itong sumpa, Shirya! At wala akong magawa para labanan. Wala akong kontrol...”
Nagtatakip ng ilong ang diwata. Nadadaig ng nakasusulasok na baho ni Eugenio ang pagmamahal niya rito.
Nagkakalaglag sa tubig ang mga uod mula sa nabubulok na katawan ni Eugenio.
Nadudumihan ang napakalinis na tubig ng batis.
Malalason ang mga usa at ibon at unggoy na nakikiinom sa batis.
Nakuha ni Eugenio ang masaklap na katotohanan. Wala na siyang karapatang manatili sa tagong paraiso ni Shirya.
“Saan ka pupunta, Eugenio” luhaang tanong ni Shirya sa palayo nang walking dead.
“Duon!” Itinuro ni Eugenio ang malayong riles ng tren sa labas ng gubat. Merong padating na tren, sumisilbato. Buwuut, Buwuuut. (ITUTULOY)
- Latest
- Trending