Tumayo matapos magkamali
Dear Vanezza,
Noong niligawan ako ng dati kong nobyo at magkaroon kami ng relasyon, ang isa sa katangiang minahal ko sa kanya ay ang pagiging independent-minded niya. Nag-working student siya kahit na kaya naman siyang pag-aralin ng parents niya. Akala ko ganoon siya katatag sa buhay, ‘yun pala ginagawa niya lang ito para may pang-good time. Nagagawa niya ang gusto niya nang hindi nagagalaw ang allowance mula sa parents niya. Pero ng mabuntis ako at ipagtapat sa kanya, hindi ko inakala na siya ang tipo ng lalaki na takot sa pananagutan. Gusto niyang ipalaglag ang fetus. Hindi pa raw kami handa sa pagpapamilya. Kaya lumapit ako sa aking mga magulang at tinanggap nila ako at inunawa. Pinagsisisihan ko na ang aking nagawa. Malaki na ngayon ang anak ko at may kapatid na rin siya at ama na nagbigay pangalan sa kanya. Isang kababata na nagbalik-bayan ang nag-alok ng kasal sa akin. Sa ngayon ay mayroon akong isang masayang pamilya. - Jody
Dear Jody,
Mapalad ka sa pagkakaroon ng maunawaing magulang, maging ng lalaking may dakilang pag-ibig na tumanggap sa iyong nakaraan. Marahil blessing in disguise ito dahil naging matatag ka sa pagsubok. Itinama mo ang pagkakamali nang itaguyod ang iyong sanggol kahit pa tinalikuran ka ng nobyo mo na takot sa pananagutan. Hangad ng pitak na ito ang patuloy na kaligayahan ng iyong pamilya. Natitiyak ko ring kapupulutan ng aral ang iyong liham.
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest