The ghost of ‘padre tililing’(38)
“MAGULO ‘ka mo ang buhay ninyo ng misis mo, Simon, anak?” usisa ng ina sa tanging anak na lalaki.
Tumango si Simon. “Ligaw noong kanyang kabataan si Miranda, Inay. Ngayon na lang natututo sa tamang landas.”
“Mabuti naman. Ang karakter niya ngayon ang mahalaga.” Tumanaw sa malayo ang nanay.
“May pakiramdam akong kambal ang inyong unang mga anak, Simon.”
Napalunok si Simon, nais malula sa responsibilidad kung sakali.
“Pakiramdam ko lang naman ‘yon, anak. Mahilig kasi ako sa kambal.”
SINA Miranda at Myrna ay nagtatakbuhan sa tabing-ilog, parehong mga walang saplot. Wala silang malisya, nag-e-enjoy lamang.
“Hayun, Myrna, merong bakuli!”
“Bakuli?”
“Teenager na dalag o mudfish, Myrna! Babatuhin ko, iluluto natin!”
Mahinahong tumutol sa hipag si Myrna. “Ate Miranda, huwag.”
“Bakit..huwag?”tanong ni Miranda sa bagong dalagita.
“Una, Ate Miranda, ang mudfish ay likha rin ng Diyos, gaya natin. Hindi dapat patayin nang walang tamang rason.”
Oo nga naman, naisaloob ni Miranda.
“Pangalawang rason, Ate Miranda—hahanapin ang bakuli ng kanyang mga magulang na dalag.”
Napakagat-labi si Miranda.
“Ate Miranda, bakit?”
“Ako, Myrna...walang nagisnang mga magulang...”
Parang nilapirot ang puso ng dalagita, sa awa kay Miranda.
“Ako ay parang sumingaw lang sa mundo ng tao, Myrna.”
“Oh my God, Sori, Ate Miranda! Sa katabilan ko ay naalala mo pa tuloy. Me and my big mouth kasi, ipinaglihi yata kay Apeng Daldal!”
Lalo lang napaluha si Miranda.
SA TABING dagat na kinaroroonan ng bahay ni Miranda, nahambal si Padre Tililing sa nagbabagsakan—mula sa himpapawid.
“Daan-daang uwak! Panginoon kong Diyos!”
Ilang saglit lang ay napuno ang aplaya ng mga patay na uwak! (ITUTULOY)
- Latest



















