Nabuntis ang gf
Dear Vanezza,
Tawagin n’yo na lang po akong Onyok, 21, graduating college student. Sexually active po ako mula pa ng kabataan ko. Pero sa huli kong naging gf ay nakatagpo ata ako ng katapat. Hindi ako nag-ingat at isang beses lang may nangyari sa amin ay nabuntis na siya agad. Ito ngayon ang malaki kong problema. Kinausap ako ng magulang niya at panagutan ko raw ang baby. Binantaan din akong may mangyayari kung hindi ko pakakasalan ang anak nila. Nalaman ito ng mga magulang ko at wala rin silang magawa kundi sabihan ako na panagutan ang ginawa ko. Ayoko pang mag-asawa pero baka ipapatay ako ng mga magulang ng gf ko kapag hindi ko pinanagutan ang anak nila. Kaya wala po akong magawa kundi pakasalan ang gf ko. Tama po ba na magpakasal kami?
Dear Onyok,
Totoong ang kapusukan ng kabataan ay madalas magbunga ng kapahamakan o bagay na pinagsisihan sa dakong huli. Yan ang consequence ng ginawa mo kaya dapat mong harapin. Sa kabila nito, hinahangaan din kita sa iyong disposisyon na panagutan ang iyong ginawa. Mahal mo naman siguro ang gf mo kaya ipagpasalamat mo at hindi ibang babae ang nabuntis mo. Pakiusapan mo na lang ang pamilya ng gf mo na pagbigyan kang tapusin muna ang pag-aaral bago kayo pakasal. Para rin sa future ng kanilang magiging apo kung makakatapos ka ng career at magkaroon ng magandang trabaho.
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest
















