Mukhang pera ang gf?
Dear Vanezza,
Ako’y 67 anyos na at isang biyudo. May 10 taon nang namayapa ang misis ko. May junk shop ako. Dahil sa negosyong ito nakabili ako ng mga bahay, mga lupain at aria-arian. Napagtapos ko ang mga anak ko sa kanilang pag-aaral at ngayon ay may kanya-kanya na silang buhay. May gf ako ngayon, 22 anyos lang siya. Isang taon na kami. Alam ko mahal niya ako kaya naman ibinibigay ko ang mga layaw niya. Mahirap lang sila at kaligayahan kong tulungan ang pamilya ng babaeng mahal ko. Gusto ko siyang pakasalan pero tutol ang mga anak ko. Sobra-sobra na raw ang pabor na ibinigay ko sa kanya at sa pamilya niya. Iniisip ko rin na baka pera ko lang ang hangad niya. - Totoy
Dear Totoy,
Kung mahal mo ang babae, hindi mo pagdududahan ang motibo niya sa’yo. Tutol man ang iyong mga anak, ikaw ang makikisama at hindi sila. Pero hanggat may pag-aalinlangan ka sa tunay na damdamin ng gf mo sa’yo at hinihinalang pera mo lang ang gusto niya, huwag kang magpakasal. Pero kung naniniwala kang siya’y tapat at mapagkakatiwalaan, ituloy mo ang iyong plano. Be happy for the remainder of your life. Nasa iyo pa rin ang pasya.
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest