Pinsala ng ‘Heat stroke’
Last part
Ang pagsali sa nakakapagod na gawaing panglabas at ang pag-inom ng alak sa kainitan ng panahon ay maari ring magdulot ng kapansanan sa kalusugan kaugnay ng init. Nananatiling pinakamahusay na laban sa matinding init ay ang pag-iwas dito. Kapag matindi ang init, ang mga sumusunod na pamamaraan ay maaring makasagip ng buhay: Dumalaw sa mga gusaling may air-conditioner sa inyong komunidad kung ang inyong tahanan ay hindi air-conditioned. Kasali na rito ang mga senior citizen centers, sinehan, mga aklatan, shopping malls, o mga iba pang tinaguriang “sentro ng palamigan.†Kahit ilang oras lamang sa kuwartong may air conditioning ay makakabawas sa panganib. Ang mga bentilador ay maaring magbigay ng ginhawa, pero kung ang temperature ay mataas, ito ay hindi sapat. Pinatunayan na ng ilang researches na ang bentilador ay epektibo lamang kung ang temperature sa kapaligiran ay mas mababa sa temperature ng katawan. Makakatulong din ang pag-shower o pagligo sa malamig na tubig. Ugaliin din ang pag-inom ng maraming likido ngayong taginit. Huwag nang hintayin pang mauhaw ka bago ka uminom. Kung ang doktor mo naman ay nililimita ang iyong paginom ng likido, tiyaking magtanong kung gaano karami ang maaaring inumin kung mainit ang panahon. Tanungin din ang doctor kung ang inyong medikasyon na iniinom ay nakakadagdag sa inyong pagkakaroon ng karamdaman na kaugnay ng init. Iwasan ang mga inuming may caffeine (tulad ng kape at ilang sopdrinks), alkohol, o malalaking bahagi ng asukal dahil ang mga inuming ito ay maaring maging sanhi ng panunuyo. Iwasan din ang mabibigat na protinang mga pagkain (karne at mga produktong mula sa gatas), na nakakadagdag sa init ng katawan at pagkawala ng tubig. Makakatulong din ang pagsuot ng magagaang-kulay, maraming butas na maliliit at maluluwang na damit na yari sa telang presko sa katawan. Kapag lalabas naman, mainam na ang paggamit ng sombrero at sunscreen. Kung kayo ay may kamag-anak na sa palagay niyo ay nanganganib sa tindi ng init (tulad ng mga may sakit sa puso o biktima na ng “strokeâ€), siguraduhing sila ay inyong nadadalaw o nasisilip ng ilang beses sa isang araw. Pansinin kung may mga palatandaan ng karamdamang dala ng init gaya ng mainit at nanunuyong balat, pagkalito, pagkamali-mali, at pagka-agresibo at halusinasyon at kawalan ng pawis. Kung positibo sila rito, siguraduhing sila ay madala agad sa pagamutan (pronto soccorso). Makakatulong din ang pagpapanatiling malamig ng inyong mga tahanan sa pamamagitan ng mga kurtina at serranda. Maari ring buksan ang mga bintana sa gabi para pumasok ang mas malamig na hangin. Ating tandaan, ang kalusugan ay kayamanan at importanteng puhunan sa pagbabanat-buto.
- Latest