‘Type’ ang kapitbahay
Dear Vanezza,
May malaki po akong problema sa mister ko. Two years na po kaming kasal at may isang anak kami. Buntis po ako ngayon sa pangalawa. Tingin ko po kasi may kinahuhumalingan siyang ibang babae na kapitbahay pa namin. Dati na nyang nakarelasyon ito bago pa kami. Makailang ulit ko na siyang pinagbawalan na huwag makikipag-usap at makikipagkaibigan sa babaeng yun pero sinusuway niya po ako. May asawa na rin po yung babae. Sobrang nagagalit po ako sa kanya sa tuwing nakikita kong nakikipag-usap siya sa babaeng ito tuwing nag-iigib ng tubig. Hindi naman po sa nagseselos ako kaya lang naiisip ko po na baka muling ma-revive ang kanilang dating relasyon. Sa galit ko ay nilayasan ko siya at bumalik ako sa aÂking magulang. Naguguluhan ako at hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. - Maia
Dear Maia,
Aminin mo man o hindi, inaatake ka ng selos. Kapitbahay ninyo ang babae, natural lang na paminsan-minsan ay magkita sila lalu na sa isang publikong lugar tulad ng igiban ng tubig. Maliban na lang kung sobrang magkadikit sila sa kanilang pag-uusap, hindi ka dapat magselos. Masama naman sa magkapitbahay ang nag-iisnaban. Isa pa, may asawa na ang babae at kung nag-uusap man sila ay casual na lang at hindi dahil gusto nilang balikan ang nakaraan. Lawakan mo ang iyong pang-unawa lalo na’t buntis ka. Masama sa kalagayan mo ang masyadong nag-iisip. Kaya mabuti pa ay balikan mo na ang iyong mister para muling mabuo ang iyong pamilya.
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest