Anak mag-aasawa, ina malungkot
Dear Vanezza,
Ako po si Medy, 48 years old at single mother. Baby pa lang ang anak ko ay namatay na ang tatay niya. Napalaki ko siya ng maayos at nakapagtapos ng pag-aaral. Ngayon ay 21 years old na siya at nagpapaalam na mag-aasawa. Kasama niyang umakyat sa bahay ang kanyang bf na isang abogado. Hindi ako agad makapagdesisyon. Masakit para sa akin na iwanan ako ng kaisa-isa kong anak. Hindi ko naman binastos ang lalaki pero nakita niya kung gaano kasakit para sa akin na iwanan ng aking anak. Tulungan mo ako sa paggawa ng desisyon.
Dear Medy,
Ang mga anak ay pahiram lang sa atin ng Diyos at hindi natin pag-aari. Sadyang dumarating ang panahon na iiwan nila tayo para makipag-isa sa lalaki o babaeng kanilang magiging permanenteng partner. Iyan ang cycle ng buhay na hindi mo puwedeng salungatin. Kaya kahit masakit sa kalooban mo, ibigay mo ang bendisyon mo sa iyong anak at mamanugangin. Sa una lang ang sakit. Makikita mo na kapag nagkaroon ka na ng apo ay magiging mas maligaya ka.
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest