May kinakasama ng iba ang mister
Dear Vanezza,
Ako po si Nancy, isang kasambahay at may asawa ako sa probinsiya. Kasal kami at may isang anak na binata na. Limang taon na akong umalis sa aming probinsiya at nagtatawagan lang kami ng mister ko at nagti-text. Pero katagalan ay hindi na siya sumasagot sa mga text ko at hindi ko na rin makontak ang kanyang cellphone. Nang umuwi ako sa probinsiya namin, nabalitan ko sa aking mga kaanak na may kinakasama na siyang iba at wala na raw sa probinsiya namin. Ang anak ko nama’y nag-asawa na. Masakit ang loob ko sa nangyari kaya nagbalik ako sa Maynila. Ngayon ay may nanliligaw sa akin. Kung sakaling umibig akong muli, masama ba kung sasagutin ko ang manliligaw ko? Di ba may karapatan din akong lumigaya?
Dear Nancy,
Hanggat hindi napapawalang-bisa ang kasal mo ay magiging labag sa batas ng tao at Diyos ang gagawin mo sakaling magkaroon ka ng ibang kakasamahin. Kung magpapakasal ka, bigamy ito. Kung makikipag-live-in ka naman, puwede kang kasuhan ng adultery. Kung tutuusin, isa ring krimen ang ginawa ng mister mo. Concubinage ang tawag diyan dahil nakipisan siya sa ibang babae kahit ikaw na asawa niya ay buhay pa at may bisa pa ang iyong kasal. Pero dahil hindi ka nagdemanda, malaya siyang makipag-live-in sa babae niya. Kung gagawin mo rin ang ginagawa niya, posibleng hindi na rin siya magdedemanda dahil may iba na siyang babae pero hindi nangangahulugan na hindi ka na nagkakasala. Alam kong mahirap ang kalagayan mo pero kung minsan, may mga sakripisyo tayong dapat gawin sa ating buhay dahil mas mahalaga na nabubuhay tayong sumusunod sa Panginoong Diyos.
- Latest
- Trending