‘Hahanapin Kita (29)’
GALIT na galit si Gabriel sa sinabi ng biyudang ispiritista. Pasupladong umalis na ang binata kasama si Sandra.
Sa bus nang pabalik sa Manila naghinga ng ngitngit si Gabriel. “It’s so unfair, Sandra. Obvious na kinopya ng babaing ‘yon ang version ni Mang Polding. Nagkabalitaan siguro ang biyuda at ang Uncle Polding mo.”
“Gabriel, natitiyak kong hindi magkakilala si Uncle at ang pinili mong ispiritista. Milya-milya ang layo nila sa isa’t isa.”
“May cell phone, baka may asosasyon sila kaya nagkakaalaman.”
“Gabriel, ang taong nabubulagan ay hindi nakakakita…”
Tumahimik si Gabriel. “Paano kung wala na talaga si…si Carmina? Paano kung pumirmi na sa kaharian ng Diyos?” dugtong ni Sandra.
“Hindi ganoon si Carmina. Alam niyang hindi ko matatanggap na basta na lang siya hindi na magpapakita. Mag-e-explain siya sa akin.”
Si Sandra naman ang nanahimik. Bulag ang pag-ibig ni Gabriel, naunawaan ng dalaga.
Hanggang sa makarating ng Maynila ay hindi na nag-usap ang dalawa. Naghiwalay sila sa bus terminal. Gayunma’y hinabol ni Gabriel ang dalaga bago ito lumulan ng taxi. “Sandra, I’m sorry. Nadamay ka sa init ng ulo ko.”
“Goodbye, Gabriel,” mahinahong sabi ng dalaga, hindi maitago ang hinanakit sa binatang nais mahalin habambuhay.
“I’ll see you later, okay?”
Umiling ang dalaga. “No, ayoko nang makagulo, Gabriel.”
Hinabol na lang ng tanaw ng binata ang taksing kinalululanan ni Sandra, hanggang sa tuluyan na itong makalayo. Ang mga sumunod na araw at mga linggo ay naging parusa kay Gabriel. Bigla ay dalawa nang babae ang pinuproblema niya. Miss na miss niya si Carmina. Nami-miss din niya nang grabe si Sandra. “Nawawala si Carmina. Nawawala rin si Sandra.”
Hindi na pumapasok sa unibersidad si Sandra, parang bulang naglaho.
Dalawa na ang hinahanap ni Gabriel. Dusa siya laluna sa pag-iisa.
Naalala niya ang kaibigang matalik, si Dave. Nawala na nga rin pala sa kanya ang friendship nito, mulang nagkasuntukan sila. Ngayo’y wala siyang mapaghingahan ng mga sama ng loob; he feels so alone sa mundo. Natutong uminom.
(ITUTULOY)
- Latest

















