‘HAHANAPIN KITA (22)’
Napabalik si Gabriel, kunot-noo, sa kinaroroonan ni Mang Polding. “Ano ang sabi ninyo?”
“Sabi ko, si Carmina ay hindi na magpapakita, dahil ayaw na niya sa iyo,” seryosong sabi ng ispiritista.
Naintriga ang binata. Pigil na ang galit sa kaharap. “Magpaliwanag kayo, Mang Polding. Huwag ninyong tuluyang sirain ang araw ko.”
“Ayaw na nga sa iyo ng namatay mong girlfriend, Ginoong Gabriel. Kung bakit ay hindi ko alam.”
“Ang galing ninyong humabi ng kasinungalingan, Mang Polding Kung di lang kayo uncle ni Sandra, sinuntok ko na kayo sa mukha nang pagkalakas-lakas.”
Napaurong ang may-edad na lalaki. Natigilan. “Anak ng tipaklong…”
“Bakit na naman?”
“May lakas kang tulad ni Juan Miguel ‘Dinamita’ Marquez! Kaya mong pataubin sa suntok si Pacquiao!” Tinalikuran na ni Gabriel ang umano’y ispiritista, buwisit na buwisit. “Ulul na matanda.” HABANG daan ay umuulit sa diwa ng binatang propesor ang sinabi ni Mang Polding. “Hindi mo na makikita si Carmina. Ayaw na niya sa iyo.” Nakasakay si Gabriel sa aircon provincial bus, ngitngit na ngitngit pa rin. “Ano’ng karapatan ng matandang ‘yon na magsalita tungkol sa damdamin ni Carmina? Of all people si Carmina pa ang sasabihin niyang nagtaksil sa pag-ibig namin?”
Mahal na mahal siya ni Carmina. Never na mawawala ang pag-ibig nito sa kanya, diin ni Gabriel sa isip.
Nakaupo si Gabiel sa last row ng bus. May nasulyapan siya sa gawing unahan ng mga kapwa-pasahero.
Nagkakamali ba ang kanyang mga mata this time? “Imposible.”
Lumingon ito sa kanya, tinitigan siya.
Mayamaya’y ngumisi, kumaway pa.
Ang hitana nga ang nakita na naman ni Gabriel.
“I’ll kill youuuu!” sigaw ni Gabriel sabay tayo—pasugod sa unahan.
Naligalig ang mga sakay ng bus; nataranta ang drayber.
Biglang nagpreno. SCREECCHH.
Nabuksan ang pintuan ng bus, nakatalon agad ang hitana—sabay takbong palayo—kasunod si Gabriel. (ITUTULOY)
- Latest





















