‘Hahanapin Kita (21)’
Nakaharap ni Gabriel ang lalaking ayon kay Sandra ay makatutulong sa paghahanap ng binata sa multo ng yumaong nobya.
Magkaharap na sila sa isang napakasimple, napakaliit na salas ng lumang bahay.
Walang umiimik, pareho yatang nagtatantiyahan.
“Ikaw ang dapat maunang magsalita, ikaw ang may kailangan.”
Napalunok si Gabriel. Wala talaga siyang kabilib-bilib sa mga ispiritista. “Pinapunta po ako rito ni Sandra. Uncle daw niya kayo.”
“Tito Polding niya ako. Ikaw?” Kung sino daw si Gabriel.
“Propesor po ako sa unibersidad, namatayan ng nobya. Nabaril siya, patay agad. Nagkikita kami tuwing ika-sampu ng buwan pero natigil…”
“Natigil?”
“Hindi na siya sumipot nitong ika-10th of the month. Nais kong alamin kumbakit. Hinahanap ko siya, Mang Polding.”
Tumitig sa itim na cardboard ang may-edad nang lalaki, tingin ni Gabriel ay nagko-concentrate. Tumagal iyon ng siguro’y limang minuto.
Nakatanga lang dito si Gabriel, nais mawirduhan.
Mayamaya’y lumingon na sa kanya si Mang Polding. Bitin ang hininga ni Gabriel sa sasabihin nito.
“Ano ang ngalan ng namatay?”
“Carmina ho. Bakit ho?”
“Si Carmina ay…nawawala.”
“Ano hong n-nawawala?” Talagang nawawala si Carmina, nais idugtong ni Gabriel. Kaya nga siya narito, di ba?
“Wala siya sa paligid-ligid. Hindi siya maaaring maabot ng sinumang mortal sa mga sandaling ito.”
“Para hong out of coverage area kumbaga? Parang sa cellphone?” pagklaro ni Gabriel.
“Sakto, iho. Malaki ang ligalig niya kaya lumayo nang husto.”
Bawat kataga ni Mang Polding ay rumehistro sa isip ng binatang propesor. Ninamnam niya ang kahulugan.
“That’s all po?”
“Oo, that’s all.”
Muntik nang insultuhin ni Gabriel ang kaharap. Nagpakahinahon siya. “Salamat na lang po, Mang Polding. Aalis na ako.”
“Hindi mo makikita si Carmina. Ayaw na niya sa iyo.”
(ITUTULOY)
- Latest





















