Heart, box office sa indonesia!

Kahit saan talaga pumunta si Heart Evangelista laging ‘box office’ ang reception.
Kasalukuyan siyang nasa Indonesia para sa ini-endorse niyang brand ng bag, Vone World, para sa opening ng physical store nito.
Grabe ang pila sa nasabing store opening at lahat ay nagpapa-picture sa fashion icon.
Buhos din naman ang blessing ni Heart kaya lagi ring handang tumulong.
Kamakailan lang ay pinasalamatan siya ng pamilya ng namayapang si Ate Gay, Gil Morales sa totoong buhay.
Sa isang post sa Facebook page ni Ate Gay, ibinahagi ng pamilya ang isang mensaheng iniwan ni Heart noong lamay. “Ate Gay, you are finally home… God bless your home and family,” sulat ni Heart.
Ayon sa kanyang pamilya, patuloy silang kinukumusta ng aktres at tinatanong kung paano siya makakatulong sa gitna ng mahirap na panahong pinagdaanan nito bago pumanaw.
Anyway, patuloy na pinatutunayan ni Heart ang pagiging artist. This time sa pagde-design ng mga alahas na laging sold-out.
Patuloy ngang pinalalawak ng Pinay style icon at actress ang kanyang malikhaing portfolio matapos niyang pasukin ang pagdidisenyo ng alahas habang patuloy na umaarangkada sa international fashion circuit sa Paris at Milan Fashion Weeks.
Kilala na bilang painter, actress, social media content creator and entrepreneur, ngayon ay nakatuon na si Heart sa pagdidisenyo at paggawa ng alahas.
Lately ay madalas siyang mag-post ng kanyang mga ginagawang alahas.
At marami sa kanyang mga ginawa ang nag-debut na sa mga dinaluhan niyang international fashion week tulad ng New York, Paris at Milan Fashion Weeks, kung saan siya nakakuha ng malaking media value.
Si Heart ay laging kasama sa mga nangungunang celebrity sa Earned Media Value at Media Impact Value sa international fashion weeks.
Anyway, hindi ito ang unang pagkakataon na nagpunta ng Indonesia ang global fashion influencer upang makilala ang kanyang fans doon para sa Indonesian luxury brand, Vone World.
At this time parang mas dumami ang fans niya kung saan ang dami niyang nakukuhang mga mensahe at ang daming naka-tag sa kanya.
58th, bibida sa apat na bansa!
Patuloy ang paglawak ng lokal at international reach ng animated docu film ng GMA Pictures at GMA Public Affairs na 58th, na mapapanood sa apat na bansa at iikot sa iba’t ibang unibersidad dito sa Pilipinas mula ngayong Nobyembre.
Sa direksyon ni Carl Joseph Papa, ang naturang docu-film tungkol sa 2009 Maguindanao Massacre ay magkakaroon ng screening sa Netherlands, Canada, Taiwan at Indonesia mula November hanggang December ngayong taon.
Ngayong Nobyembre 14, nakatakda itong ipalabas sa International Documentary Film Festival Amsterdam (IDFA), isa sa mga pangunahing film event sa buong mundo. Susundan ito ng special screening sa Nobyembre 27 sa UBC Robson Theatre sa Vancouver, Canada, na pangungunahan ng University of the Philippines Alumni Association sa British Columbia.
Bago ang theatrical release nito sa Taiwan sa Disyembre 4, magkakaroon din ng special screenings ang 58th sa Taipei (Nobyembre 23 at 28), Kaohsiung (Nobyembre 27) at Taoyuan (Nobyembre 29).
Opisyal ding napili ang pelikula para sa Asian Perspective Feature Programme ng 21st Jogja-NETPAC Asian Film Festival (JAFF), na gaganapin mula Nobyembre 28 hanggang Disyembre 5, 2026. Mapapanood din ito sa Studio 4 ng Empire XXI Cinema sa Yogyakarta, Indonesia, sa Disyembre 3 at 4.
Dito naman sa Pilipinas, dadalhin ng 58th ang kuwento ng Maguindanao Massacre sa iba’t ibang unibersidad sa pamamagitan ng isang campus tour.
Sa pakikipagtulungan sa mga unibersidad, student groups at media organizations, bibisita ang 58th Campus Tour sa I-Academy (Nov. 11), University of the Philippines Los Baños para sa Pelikultura (Nov. 11), Ateneo de Naga University (Nov. 13), Bulacan State University (Nov. 18), University of the Philippines Diliman (Nov. 19), Ateneo de Manila University (Nov. 19), De La Salle-College of Saint Benilde (Nov. 20), University of the Philippines Mindanao (Nov. 23), Ateneo de Davao University (Nov. 23), University of Santo Tomas (Nov. 28), FAITH Colleges (Dec. 7) at UP Film Institute (Dec. 9).
- Latest



















