Boss Vic, excited magkaapo kay Sarah?!

Nakipag-partner na ang ALV Talent Circuit ni Arnold Vegafria sa Viva Artists Agency, at iniharap nila sa entertainment media ang 10 beauty queens na papasukin na rin ang showbiz.
Ang sampung magaganda at talented din na talents na iha-handle nila ay sina Zia Ainhize Arboleda, Nikkie Buenafe, Meredith Bobadilla, Beatriz Angela Ocampo, Tracy Maureen Perez, MJ Suarez, Carla Jane Torcido, Erika Marie Davis, Keylyn Pan Trajano, Alyssa Geronimo at Margarette Briton.
Kapansin-pansin agad si Keylyn Pan Trajano dahil siya lang ang nag-iisang transwoman sa grupo.
Nakatakda siyang umalis sa May 16 patungong Thailand para lumaban sa Miss Grand International All Stars.
Maraming may potential at talagang puwedeng pasikatin ng Viva at ALV, pero sa panahon ngayon ng social media, malaking challenge ba ito sa producers kagaya ni Boss Vic del Rosario? “E ano... iba lang ang sistema pero I think sa popularity at sa kitaan, mas malaki ngayon,” pakli ni Boss Vic nang makorner namin doon sa press launch na ginanap sa Viva Café noong Biyernes.
Ang pagkakaiba lang daw ngayon na nandiyan ang social media, maiksi lang daw ngayon ang popularidad ng mga ito. “Ang kaibahan ngayon, mabilis magbago. Ano... ‘yung loyalty ng mga dating artista, umaabot ng 30 years. Ngayon, minsan dalawang taon, tatlong taon. ‘Yung mga kabataan mabilis magsawa. Nasa talent na ‘yun para magtagal sila,” saad ni boss Vic.
Mahalaga pa rin daw ang talento, hindi ‘yung basta nag-trending o popular ka sa social media. “‘Yun ang importante ngayon, how to sustain sa career na abutin ka ng 10, 20, even 30 years,” tugon nito.
Sabi pa ni Boss Vic, kung nakikita raw sa mga kabataan ngayon na gusto talaga nilang pasukin ang showbiz o entertainment business, ibigay raw ito sa kanila.
“Kung ‘yun ang hilig nila, dapat i-pursue nila. Kasi, kung saan ka masaya doon ka magiging successful, ‘di ba?”
Kinumusta na rin namin kay Boss Vic si Sarah Geronimo na pinakansela pa nila noon ang appearance nito sa Aurora Music Festival, dahil sa nagkasakit daw ito. “Panay pa rin ang trabaho. Ano lang, nagkaroon lang ng konting sakit. Tuloy ‘yung ibang shows niya. Magaling na,” pakli nito.
Hiniritan namin si Boss Vic na baka nagdadalangtao na si Sarah. “‘Yun ang hindi ko alam,” safe niyang sagot sa amin.
Excited na rin ba siyang magkaapo kay Sarah? “Dapat!” bulalas ng big boss ng Viva.
- Latest




















